Friday, February 15, 2008

Uuwi

“Uuwi ako sa’min,” masayang pagbabalita ko sa kaklaseng postulant.

Dalawang buwan pa lang ang layo ay ipinamamalita ko na na uuwi ako sa amin sa Davao. Siyam na buwan ako dito sa Maynila, ito na ang pinakamatagal na panahong nalayo ako sa amin. Sabik na akong makitang muli ang aking mga magulang. Nagkahiwalay na kami nang higit sa isang taon noong nagbakasyon sila sa mga ate ko sa ibang bansa, ngunit iba pala ang kirot ng pangungulila kapag ikaw ang lumisan.

Labimpitong araw lang ang ibinigay sa akin na bakasyon kung kaya kinakailangan kong sulitin ang bawat araw, oras at minuto nito. Gumawa ako ng talaan ng lahat ng mga nais kong gawin, bukod pa sa mga dapat kong asikasuhin doon. Pinlano ko na ang bawat araw – saan ako pupunta, anong aking gagawin at sinong aking makakasama. Pakiramdam ko, munting bata akong nagbibilang ng mga araw bago sumapit ang aking kaarawan, dahil sabik na sa mga regalong matatanggap.

Ngunit nang papalapit na ang araw ng aking pag-alis ay nakadama ako ng lungkot, na di ko maintindihan noong una. Lungkot pala na may halong takot. Lungkot, dahil batid ko ang bilis ng takbo ng oras, at alam kong ‘sing bilis ding lilipas ang mga araw ng bakasyon ko sa amin. Sa dami nga gusto kong gawin parang kulang na kulang ang oras. Takot, dahil baka ang pagkasabik ko ay mauwi lang sa pagkabigo, dahil ang lahat ng inaasam kong balikan ay natangay na rin ng ihip ng pagbabago at hindi ko na muling mababanaagan man lang.

Hindi ko maitatangging marami na rin ang nagbago sa akin. Mga bagong karanasan at kaalaman na dulot ng paghubog bilang isang postulant, at malayo sa pamilya at malalapit na kaibigan. Mga bagong karanasan at kaalaman na humubog sa mga bagong pananaw at paninidigan. Ang bagong ako, sa katunayan, ang takot na baka hindi na maunawaan, baka maging dayuhan sa sariling pinagmulan.

Ang araw bago ako tumungo ng Davao ay nataong kapistahan ni San Aloysius Gonzaga, at siya ring ipinagdiriwang na kapistahan ng mga nobisyo sa aming kongregasyon. Naisip kong angkop na angkop ang pagkakataon, mas naging makabuluhan ang aking pag-uwi sa amin dahil ang katunayan ay hindi lamang ako magbabakasyon doon kundi maghahanda rin para sa pagpasok ko sa nobisyado.

Noong araw na iyon nakaempake na ang lahat, handa na ang aking mga maleta at bag. Kailangan ko na lamang ihanda ang aking puso at isipan. At ito ang ipinanalangin ko sa Panginoon.

Kinabukasan, araw ng aking pag-alis, pagkagising ko ay iyon pa rin ang panalangin, hanggang makasakay sa eroplano. Lumapag ang eroplano sa paliparan ng Davao 6:50 ng umaga. Paglabas ko ng eroplano, ang unang sinag ng araw na dumampi sa aking balat ay para nang isang mainit na yakap ng pagsalubong.

Habang nasa taksi hindi maawat ang kumustahan at kuwentuhan namin ng kaibigan kong sumundo sa akin. Ngunit ang mga mata ko rin naman ay parang viewfinder na sinusuyod ang bawat madaanan ng tingin. Parang nang mga sandaling iyon ay kaya kong gawin ang maraming bagay – makinig, magmasid at magsalita, nang sabay-sabay. At para bang ang lahat ng nasa paligid ko ay maaliwalas.

Ngunit tila ang haba-haba ng biyahe samantalang hindi naman kalayuan ang bahay namin sa paliparan. Nang sa wakas ay nakarating rin kami, natanaw ko na ang pamilyar na harap bahay. Naroon pa rin ang lumang dilaw na sofa, ang berdeng cabinet na yero, ang rattan na mesang bilog, at ang mga halaman ni mommy na tila mas dumami. Nasa bahay na nga ako. Sinalubong ako ng aking ama at ina. Anong higpit ng yakap ko sa kanila.

Pagpasok ko ay tuloy agad kami sa kusina. Nakahanda na ang almusal, ang hiniling kong pritong galunggong, kamatis at sinangag. Ang sarap ng pakiramdam nang nasa sariling bahay. Ganito marahil ang isang isdang ibinalik sa dagat mula sa isang aquarium. Parang ang lahat ng lungkot at takot ko bago ako umalis ay nalimutan na, at nagmamadali akong simulan ang araw.

Unang araw pa lang ay hindi na nasunod ang aking iskedyul. Ganoon din ang nangyari sa mga sumunod na araw. Ngunit gayon pa man tiniyak kong ang lahat ng nais kong gawin ay magawa ko - mamalengke kasama ang aking ina, maligo sa dagat, mag-ballroom dancing, magluto para sa mga kaibigan, mamigay at magbenta ng mga gamit na hindi ko na magagamit. At higit sa lahat, pumirmi sa bahay at lasapin lang ang panahong kapiling ang aking ama’t ina.

Noong mga natitirang araw bago ako bumalik ng Maynila parang nais kong haplusin at yakapin ang bawat dingding, kabinet at sulok ng bahay namin, nang sa gayon ay magkaroon ng konkretong pakiramdam ang alaala ko dito. Ngunit alam kong hindi na iyon kailangan. Dala-dala ko naman parati ang puso ko.

Marami ang nagbago mula nang iwan ko ang Davao. Ngunit mayroon din namang nananatili, tulad ng pagmamahal at ng grasya ng Diyos, na saan man ako mapadpad ay parating naroroon at kayang tawirin ang ano mang pagitang nilikha ng pagbabago.

“Uuwi na ako sa Biyernes,” pagpapaalam ko sa kaibigan. Noong patungo ako sa Davao ang sabi ko ay uuwi na ako. Noong pabalik naman ako ng Maynila ang sabi ko rin ay uuwi na ako. Saan nga ba ako uuwi? Nasaan nga ba ang tahanan ko?

Sa aking pag-alis sa Davao hindi ko napigilan ang aking pag-iyak. Una, sa mas mababaw na dahilang hindi ko alam kung kailan uli ako makakabalik doon, pinakamaikli na siguro ang dalawang taon kung ako ay magno-nobisyo na sa susunod na taon. At ang pangalawa, dahil alam kong sa pinili kong bokasyon ay wala akong maituturing na permanenteng tahanan. Naaalala ko parati ang sabi ni Hesus: “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.”

Kung nais kong sundan ang bakas ni Hesus sa buhay na ito, ngayon pa lang ay dapat ihanda ko na ang aking sarili na tanggapin ang katotohanang ito. Hindi madali ito, alam ko, ngunit nananalig akong ang grasya ng Diyos ang magbibigay-daan. “Kung sino man ang sa Akin ay manahan, mananahan din Ako sa kanya,” pangako ng Panginoon.

Isang hamon din sa buhay na ito ang maging tanda ng malawak na tahanan ng Diyos, tahanan na parating bukas at nag-aanyaya. Dahil dito mas naunawaan ko ang sinasabing: kung nasaan ang ating puso doon tayo mananahan. Nananalig ako na kahit saan man ako dalhin ng aking mga pangarap makakaasa ako sa pagmamahal ng Panginoon, uuwi at uuwi rin ako.

No comments: